MANILA, Philippines – Nagtulong sina veteran Michelle Laborte at rookie Kim Dy sa third set para ihatid ang baguhang Shopinas sa 25-18, 26-24, 29-27 panalo laban sa Philips Gold at makisosyo sa liderato ng 2015 Philippine Superliga women’s volleyball tournament All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan kahapon.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Lady Clickers, nauna nang humataw ng four-set victory laban sa Mane ‘N Tail Lady Stallions sa Biñan, Laguna noong nakaraang linggo.
Tumapos sina Stephanie Mercado at Cha Cruz na may magkakatulad na 9 points, habang nagdagdag si Laborte ng 8 points para sa Shopinas sa inter-club women’s volleyball tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
Nagtuwang sina Laborte at Dy sa third set para sa 28-27 bentahe ng Lady Clickers.
Ngunit napuwersa si Myla Pablo na makagawa ng net violation sa panig ng Lady Slammers na siyang nagpatalo sa kanila.
Pinuwersa ng Shopinas ang Philips Gold sa 34 turnovers.
“I can’t really tell when are we going to get our form back. But I’m glad that we’re slowly adjusting. Let’s see how we perform after the long (Holy Week) break,” sabi ni coach Ramil De Jesus sa kanyang Lady Clickers.
Nagtala si Michelle Gumabao ng 12 kills para sa kanyang kabuuang 13 points at nag-ambag si Pablo ng 9 markers para sa Lady Slammers.
Sa ikalawang laro, tinalo naman ng Mane ‘N Tail ang Cignal, 27-25, 25-21, 25-21.