Laro Ngayon (Bahrain National Stadium)
6:30 p.m. (11:30 p.m. Manila time) – Bahrain vs Philippines
MANILA, Philippines – Susubukan ng Philippine Azkals ang kanilang bagong sistema sa international friendly match laban sa Bahrain ngayong alas-6:30 ng gabi (11:30 ng gabi sa Manila) sa Bahrain National Stadium sa Manama.
Gusto ni coach Thomas Dooley na maglaro ang Azkals na may tatlong defenders sa kanyang 3-4-3 attacking formation na nagiging 5-4-1 sa depensa.
Ito ay taliwas sa dating 4-4-2 o 4-3-3 systems ng Azkals.
Sa kanyang bagong sistema, sinabi ni Dooley na mas makokontrol ng mga Pinoy booters ang posesyon na makakatulong sa kanila sa pagsabak sa darating na FIFA World Cup qualifiers sa Hunyo.
Nagmula naman ang mga Bahrainis sa 0-6 kabiguan sa Colombia noong nakaraang Huwebes.
Nauna nang nagtabla ang Azkals at ang Bahrainis sa 0-0 noong 2012.
“A win will be a good result, but we’re more interested at looking at how we play the system and the patterns that will evolve from it,” ani team manager Dan Palami.
Hindi makakalaro para sa Azkals si Fil-British Neil Etheridge matapos ang isang aksidente.
Si Fil-German Roland Muller ang papalit sa kanya sa pagdedepensa sa goal katuwang sina Fil-Spanish defender Alvaro Silva, Juani Guirado at Amani Aguinaldo.
Nasa backline naman ng koponan sina Phil Younghusband at Patrick Reichelt.