MANILA, Philippines – Napagtiyagaan ni Donnie ‘Ahas’ Nietes si Gilberto Parra ng Mexico para pamunuan ang panalo ng mga Filipino boxers sa ‘Pinoy Pride 30: D-Day’ noong Sabado ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ginamit ni Nietes ang mabangis na jabs para palambutin si Parra tungo sa ninth round technical knockout win para sa matagumpay na pagdedepensa sa WBO light flyweight title.
Ang one-two combination ni Nietes na tinapos niya sa right straight sa eight round ang nagpabagsak sa Mexican challenger.
Dala ngayon ni Nietes ang 35 panalo sa 40 laban, kasama ang 21 KOs.
Ang labang ito ay tune-up fight niya para sa mandatory title defense laban kay Francisco Rodriguez ng Mexico sa Hulyo 4 sa Cebu City.
Nakapagpasikat din ang dating five-division world champion na si Nonito Donaire Jr. nang umiskor ng second round technical knockout win kay William Prado ng Brazil para angkinin ang WBC NABF super bantamweight title.
Sa ikalawang round ay ipinatikim ni Donaire ang mababangis na kamao na tumagos sa inakalang matigas na depensa ng Brazilian boxer.
Tatlong matitinding kaliwa na tumama sa ulo ni Prado ang nagtulak kay referee Bruce McTavish na itigil ang bakbakan sa 2:16 sa second round.
Nagwagi rin si ‘Prince’ Albert Pagara sa pagdedepensa niya sa kanyang IBF Inter-Continental light featherweight title sa pamamagitan ng sixth round technical knockout win laban kay Rodolfo Hernandez ng Mexico.
Lumabas na nagkaroon ng right hand injury si Hernandez para maipagkaloob kay Pagara ang kanyang ika-23 sunod na panalo, kasama dito ang 16 KOs.