MANILA, Philippines – Hindi kaba kungdi kumpiyansang mananalo ang bitbit nina Gilberto Parra ng Mexico at William Prado ng Brazil sa pagtungo sa bansa para sa Pinoy Pride 30 sa Sabado laban sa mga tinitingalang Filipino boxers sa Smart Araneta Coliseum.
Humarap sa mga mamamahayag ang apat na dayuhang boksingerong kasama sa fight card na handog ng ALA Promotions at suportado ng ABS-CBN at parehong naibulalas nina Parra at Prado ang nakikitang panalo.
Si Parra ang makakatapat ni Donnie “Ahas” Nietes para sa hawak nitong WBO World Junior flyweight title habang si Prado ay makikipagpalitan ng suntok kay Nonito Donaire Jr. para sa bakanteng WBC NABF super bantamweight title.
“We know the history of Nietes with Mexican fighters but everything has an ending. This Saturday is the ending of Nietes,” wika ni Parra sa pamamagitan ng interpreter na si Jefferson Luiz De Sousa.
Wala pang Mexicano na nakatalo kay Nietes, ang pinakamahabang kampeon sa boxing ng bansa.
“We know he is a dangerous fighter and this will be a difficult fight. But I am well prepared and this Saturday, I will take the win,” dagdag ni Parra na may 19 panalo sa 22 laban, kasama ang 17 knockouts.
Sa panig ni Prado na may 22 panalo sa 27 laban, kasama ang 15 KOs, sinabi niyang nirerespeto niya si Donaire bilang isang five-division world champion.
“But I came here to make a good fight. I saw his fights and I’m prepared,” wika ni Prado.
Kasama rin na iniharap sa pulong pambalitaan para sa mga bisitang boksingero sa Sequoai Hotel sa Quezon City sina Mexican Rodolfo Hernandez at Ghanian Proper Ankrah at makakasukatan ng una si Albert Pagara para sa IBF Inter-Continental Jr. Featherweight championship habang ang huli ay katunggali si Rho Akaho ng Japan para sa WBO International bantamweight title.
Ang mga magtutunggali sa Sabado ay magkikita-kita ngayon sa official press conference sa Solaire Resort and Casino at bukas naman ang official weigh-in sa Big Dome. (AT)