Mas exciting ang PSL ngayon

MANILA, Philippines - Mga bagong inobasyon, mas pinalawig na television coverage at mas maaksyon na laro sa hanay ng anim na koponan ang matutungha-yan sa paglarga ng 2015 Philippine SuperLiga All-Filipino Conference sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pormal na binuksan ang liga kahapon sa pamamagitan ng press conference sa MOA at inihayag ni PSL president Ramon “Tats” Suzara ang paggamit sa taong ito ng microphone headset para malinaw na maririnig ng mga manonood ang mga tawag sa laro.

Bukod ito sa pagdadala sa liga ng video challenge sa playoff at ang pagsusuot ng bagong  uniporme ng mga manla-laro na siyang ginamit ng Brazil team sa nakalipas na Olympics.

Nakasama ni Suzara sina PSL chairman Philip Ella Juico at TV5 head Vincent “Chot” Reyes na siyang katambal ng PSL sa loob ng tatlong taon.

May live telecast  sa bawat playdate ng liga para lumawig ang naabot ng PSL.

Makakatiyak din na mahigpitan ang labanan dahil ang anim na koponan ay nagsabing handang-handa sa laban.

Ang Grand Prix champion na Petron Lady Blaze Spikers ang itinuturing bilang team-to-beat.

“Sinasabi nila na kami ang team-to-beat kaya tinatanggap ko ito. Pero kailangan pang mabuo ang chemistry ng team dahil may mga bago sa team,” wika ni Petron coach George Pascua na nakuha sina Rachel Ann Daquis, Abigail Maraño at Fil-Am Alexa Micek para suportahan si Dindin Santiago-Manabat.

Ang iba pang koponan at coaches na dumalo ay sina Sinfronio Acaylar ng Cignal HD Spikers, Vilet Ponce de Leon ng Foton Tornadoes, Rosemarie Prochina ng Mane N’Tail Lady Stallions, Francis Vicente ng Philips Gold Lady Slammers at Ramil de Jesus ng Shopinas.com Lady Clickers.

“Lahat naman ng teams ay naghahanda nang husto kaya lahat malalakas. Makikita na lang natin iyan sa laro,” pahayag ni Vicente na nakuha si Fil-Am setter Iris Tolenada bilang number one pick sa Rookie Draft.

“All the team have improved and we are really excited. This will an ultimate sports entertainment  experience for all the volleyball fans,” ginarantiya ni Suzara. (AT)

Show comments