Laro Ngayon (Puerto Princesa City Coliseum, Palawan)
5 p.m. North All-Stars vs South All-Stars
MANILA, Philippines – Sa isang PBA All-Star Game ay malaya ang mga coaches na gumawa ng eksperimento.
Kagaya ng plano ni South All-Star head coach Alex Compton ng Alaska.
“Lets see if we can put Asi (Taulava) and Greg (Slaughter) pressing like Alaska does. Maybe we’ll post Jimmy (Alapag) up. Who knows?,” pagbibiro ni Compton.
Maglalaban ang South team ni Compton at ang North squad ni Leo Austria ng San Miguel ngayong alas-5 ng hapon sa 2015 PBA All-Star Game sa Puerto Princesa City Coliseum sa Palawan.
Inaasahang magiging emosyunal si Alapag para sa kanyang kahuli-hulihang paglalaro sa PBA.
Makakatulong ni Alapag si Asi Taulava, ang kanyang co-MVP sa All-Star Game sa Cebu noong 2004, at sina ex-MVP winners James Yap (2012), Jeff Chan (2013) at PJ Simon (2008).
Maglalaro ang 42-anyos na si Taulava para sa kanyang pang-13th All-Star Game at pormal na ungusan si Alvin Patrimonio para sa pinakamaraming partisipasyon sa naturang mid-season spectacle.
Ang iba pang nasa South All-Stars ay sina June Mar Fajardo, Dondon Hontiveros, Greg Slaughter, Mark Barroca, Cyrus Baguio, Reynel Hugnatan, Joe Devance at Stanley Pringle.
Sina Fajardo at Hontiveros ay hindi makakalaro dahil sa injury.
Itatapat naman ng North All-Stars sina Marc Pingris, Jeff Chan, Arwind Santos at Gabe Norwood na mga dating All-Star MVPs.
“I’m happy to experience this. I’ve never been to an All-Star Game as a player eh,” sabi ni North coach Leo Austria ng San Miguel.
Ang iba pang nasa North lineup ay sina Mark Caguioa (may injury), Justin Melton, Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Paul Lee, Terrence Romeo, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo at Beau Belga.