Laro NGAYON
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. – NU vs ADMU
(Men’s finals)
4 p.m. – DLSU vs NU (Women’s step-ladder)
MANILA, Philippines - Isa lamang sa pagitan ng La Salle Lady Archers at National University Lady Bulldogs ang matitirang palaban sa titulo matapos ang pagtutuos ng dalawang koponan sa pagtatapos ng 77th UAAP women’s volleyball step-ladder semifinals ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nanatiling buhay ang Lady Bulldogs nang ta-lunin ang Lady Spikers sa kumbinsidong 25-20, 25-20, 25-19 panalo noong Miyerkules para magkaroon ng mahalagang momentum sa do-or-die game na magsisimula dakong alas-4 ng hapon.
Bago ito ay pagtatangkaan ng Ateneo Eagles na alisan ng korona ang two-time defending champion National University Bulldogs sa Game Two ng men’s finals sa ganap na ika-2 ng hapon.
Determinado ang Eagles na masundan ang 25-19, 30-28, 20-25, 25-22 panalo lalo pa’t kauna-unahang titulo sa men’s volleyball ang mahahagip ng nasabing koponan.
Sa pagtutulungan nina Jaja Santiago, Myla Pablo, Rizza Jane Mandapat at Jorelle Singh ay nagawang itala ng NU ang pinakadominanteng panalo sa La Salle sa taon.
“Nakatulong ang panalo para tumaas ang kanilang confidence level,” wika ni Lady Bulldogs coach Roger Gorayeb.
Asahan naman ang adjustments na gagawin ng Lady Archers para hindi mapurnada ang pakay na ikapitong sunod na finals appearance.
Si Ara Galang ang lu-malabas na pinaka-consistent player sa koponan pero sa ganitong labanan at hindi malayong ang ibang manlalaro ang magsisikap na itaas ang antas ng pag-lalaro upang manatiling palaban sa kampeonato.
Ang mananalo rito ang siyang makakaharap ng nagdedepensang Ateneo sa Finals taglay ang mahalagang thrice-to-beat advantage. (AT)