MANILA, Philippines - Sisimulan ng Cebuana Lhuillier-Philippines ang pagbabalik sa Group 1 sa kanilang pagsagupa laban sa Sri Lanka sa Asia/Oceania Group Two tie sa Valle Verde Country Club sa Pasig City ngayon.
Si Phl No. 1 Patrick John Tierro ang unang lalaro matapos mapili ni Valle Verde sports director Richie Lozada sa drawing ceremony sa Valle Verde kahapon at lalabanan niya si Sri Lanka No. 2 Harshanna Godamanna sa ganap na alas-4 ng hapon.
Hangad ni Tierro na resbakan si Godamanna na tumalo sa kanya, 3-6, 7-6 (8), 6-4, 2-6, 3-6 sa 3-1 panalo ng Pilipinas kontra sa Sri Lankans sa Colombo noong nakaraang taon.
Sasagupain naman ni Fil-Am Ruben Gonzalez si Sri Lanka No. 1 at 19-year-old sensation Sharmal Dissanayake sa ikalawang singles match.
Makakatapat nina world-ranked Treat Conrad Huey at Pepperdine University standout Francis Casey Alcantara sina Dineshkanthan Thangarajah at Sankha Atukorale sa doubles sa alas-3 ng hapon bukas.
Ang reverse singles, kung kakailanganin ay gagawin sa Linggo kung saan makikipagtuos si Gonzales kay Godamanna at si Tierro laban kay Dissanayake.
Paboritong manalo ang mga Pinoy laban sa mga Sri Lankans dahil sa walong beses na pananaig sa kanilang mga naunang banggaan.
Ngunit hindi nagkukumpiyansa si non-playing team captain Roland Kraut.
“Yes, we want to win over Sri Lanka and take that first step towards making back Group I for the first time since 2011. But I don’t think its going to be easy,” sabi ni Kraut.