BAGUIO CITY, Philippines – Sa kanyang edad ay hindi inisip ni Santy Barnachea ng Navy Standard Insurance na siya ang magkakampeon sa katatapos na Ronda Pilipinas 2015 na inihandog ng LBC.
“Sa totoo lang, inisip ko lang na makakapasok ako sa top five kasi maraming mga batang magagaling kagaya nina (Mark) Galedo at (Ronald) Oranza,” ani Barnachea.
Bagama’t hindi nakapanalo ng anumang stage ay nakamit pa rin ni Barnachea ang overall crown.
Sa kanyang paghahari sa inaugural edition noong 2011 ay nabigo rin ang tubong Umingan, Pangasinan na makakuha ng stage.
Sinabi ng siklista na ibabahagi niya ang kanyang premyong P1 milyon sa mga miyembro ng Navy-Standard Insurance, kabilang na dito ang 37-anyos na si Lloyd Lucien Reynante.
Ito ang ikaapat na cycling title ni Barnachea matapos manalo sa Tour of Calabarzon noong 2002 at sa Padyak Pinoy noong 2006.
Maliban kay Barnachea, lima pang Navy riders ang nakapasok sa top 10 overall.
Ito ay sina No. 3 Jan Paul Morales, No. 4 Oranza, No. 5 Reynante at No. 10 El Joshua Cariño.
Si Cariño ang hinirang na Standard Insurance Best Under-23 rider, habang si Morales ang kinilalang Petron Sprint King.
“Total team effort ito. Hindi ko ito makukuha kung wala ang suporta ng Navy-Standard Insurance team,” ani Barnachea.
Ang eight-stage race ay inihandog ng LBC kasama ang mga major sponsors na Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Mitsubishi at mga minor sponors na Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX at may basbas ng PhilCycling sa ilalim ni Cavite Congressman Abraham Tolentino at ang TV5 at Sports Radio bilang media partners.