MANILA, Philippines – Nanalo ang Far Eastern University sa kanilang ikatlong sunod na do-or-die match matapos igupo ang University of Santo Tomas, 25-21, 25-15, 20-25, 16-25, 15-6 para makopo ang huling slot sa step-ladder semifinals ng UAAP Season 77 women’s volleyball tournament kagabi sa Mall of Asia Arena.
Ginamit ng Lady Tamaraws ang kanilang solid blocking sa deciding frame upang sibakin sa kontensiyon ang Tigresses na nasayang ang mga ginawang atake matapos magkulapso sa dakong huli.
“Thank God, kasi naka-survive kami sa fifth set. Nakikita namin yung kumpiyansa ng bawat isa na kahit down kami, kaya naming maka-recover,” sabi ni FEU coach Shaq delos Santos.
Tumapos si Bernadette Pons ng 17 hits at 12 digs, may 17 points din si Geneveve Casugod kabilang ang five blocks habang si rookie Heather Guino-o ay may career-game 17 points para sa Lady Tamaraws.
Haharapin ng FEU ang third seed National University sa unang step-ladder match na isang knockout game sa Saturday sa Smart Araneta Coliseum. Ang mananalo rito ay sasagupa sa De La Salle na may twice-to-beat advantage sa second step-ladder game.
Sa men’s play, na-survive ng Ateneo ang masamang laro sa third set upang igupo ang Adamson University, 25-16, 25-12, 26-28, 25-20 para sumulong sa Finals sa ikalawang sunod na season.
Nagtala si Ysay Marasigan ng 23 points, kabilang ang five blocks at four service aces bukod pa sa nine digs habang nagsumite si reigning MVP Marck Espejo ng 22 hits para sa Eagles.
Maghihintay pa ang Ateneo ng kalaban sa best-of-three title series matapos humirit ang titleholder NU ng isa pang laro sa kanilang Final 4 match ng USTsa pamamagitan ng 26-24, 28-26, 23-25, 25-21 panalo.
“The players really worked hard. I’m glad na hindi umabot ng five sets or ng isa pang game,” sabi ni Eagles coach Oliver Almadro. “Although Marck Espejo is our go-to guy, we have to maximize ng lahat ng spikers. Talented silang lahat.”
Sinundan ng Ateneo men’s team ang yapak ng kanilang women’s at boys’ volleyball squad na pumasok din sa championship round ngayong season.