MANILA, Philippines - Nakita ang malalim na talentong taglay ng Hapee Fresh Fighters nang kanilang igupo ang Cagayan Rising Suns, 93-91, sa overtime kahit nawala sa kaagahan ng laro si Bobby Ray Parks, Jr. tungo sa pagsungkit sa PBA D-League Aspirant’s Cup title kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sina Garvo Lanete, Troy Rosario at import Ola Adeogun ay naghatid ng larong inaasahan sa kanila sa kinamadang 22, 20 at 19 puntos at sina Rosario at Adeogun na may 13 at 12 boards.
Pero ang tumayong bida sa huli para sa Fresh Fighters ay si NCAA MVP Earl Scottie Thompson nang pangunahan niya ang tatlong sunod na defensive play sa huling 27 segundo na nagresulta sa kauna-unahang kampeonato ng Hapee matapos magbakasyon sa amateur basketball sa loob ng limang taon.
“Ang determinasyon ng mga players ang nagdala sa amin sa panalo,” wika ni Hapee head coach Ronnie Magsanoc.
Lumaban ng sabayan ang Rising Suns at tila maihihirit ang sudden death nang umiskor ng magkasunod si Jason Melano para sa 91-89 bentahe.
Dito lumabas ang galing ni Thompson para sa come-from-behind win.
Matapos ang split ni Baser Amer ay naagaw ni Thompson ang inbound pass ni Moala Tautuaa para sa kanyang go-ahead basket, 92-91.
Palitan ng mintis ang sunod na nangyari bago nakaagaw muli si Thompson laban kay Alex Austria.
Sablay ang kanyang dalawang free throws pero naroroon si Adeogun para sa offensive rebound na nagresulta sa split para sa 93-91 bentahe.
May 5.3 segundo pa sa orasan at sapat para sa pampanalong play ng Rising Suns pero diniskaril ito ni Thompson nang butatain si Don Trollano.
Si Thompson na limitado lamang ang playing time sa mga naunang laro dahil maraming kaagaw sa puwesto ay tumapos na may 11 puntos, 5 steals at 1 block para sa paghahari ng Fresh Fighters.
(ATan)
HAPEE 93 – Lanete 22, Rosario 20, Adeogun 19, Thompson 11, Amer 7, Newsome 6, Dela Cruz 3, Elorde 3, Hayes 2, Parks 0, Long 0.
Cagayan Valley 91 – Galliguez 18, Trollano 17, Melano 13, Tautuaa 13, Austria 8, Celada 7, Tayongtong 7, Mabulac 3, Dilay 2, Flores 2, Salamat 1, Olayon 0, Capacio 0, Santos 0.
Quarterscores: 16-17; 34-33; 68-65; 82-82; 93-91.