NEW YORK – Pumailanlang sa ere si Minnesota teenage rookie Zach LaVine para angkinin ang korona ng NBA Slam Dunk Contest na bahagi ng All-Star-Weekend.
Umiskor ang 19-anyos na si LaVine ng perpektong 100 sa opening round kung saan niya pinasabik ang mga fans sa Barclays Center arena ng Brooklyn Nets mula sa kanyang through-the-legs-one-handed reverse dunk.
Sinundan niya ito ng behind-the-back slam mula sa bolang inihagis niya sa hangin.
Sa championship round ay tinalo niya si Victor Oladipo ng Orlando Magic buhat sa kanyang dalawang between-the-legs slams para sa kanyang 94 points.
Si LaVine ang naging ikalawang pinakabatang slam dunk champion matapos si Kobe Bryant na naghari sa edad na 18-anyos noong 1997.
Natalo si Oladipo makaraang ma-bigong makumpleto ang kanyang sariling between-the-legs dunk sa ibabaw ng kakamping si Elfrid Payton sa una niyang tangka sa final round.
Pinahanga ni Oladipo ang mga fans nang isalpak ang 360-degree spin para sa kanyang two-handed reverse slam.
Umabante sina LaVine at Oladipo sa final round nang masibak sina Mason Plumlee ng Nets at Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks sa first round.
Ang slam dunk contest ay isa lamang sa mga events na nakalatag sa All-Star Saturday Night.
Ang All-Star Game ay gagawin sa Madison Square Garden ng New York Knicks nitong Linggo.
Sa Three-point Shooting Contest, tinalo ni Stephen Curry ng Golden State Warriors ang kakamping si Klay Thompson at si Kyrie Irving ng Cleveland Cavaliers sa final round.
Nagtala si Curry ng record score na 27 points para kunin ang titulo.
Sina Craig Hodges at Jason Kapono ang dating may hawak ng record na 25 points. Nagsalpak si Irving, ang 2013 three-point winner, ng 17 points, habang may 14 si Thompson sa final round.
Nanguna si Thompson sa first round sa kanyang 24 points, habang may tig-23 sina Curry at Irving.
Nagtapos si Wesley Matthews ng Portland sa ikaapat sa kanyang 22 points kasunod sina Kyke Korver ng Alanta, J.J. Redick ng LAClippers at Marco Belinelli ng San Antonio na parehong may 18 points.