NEW YORK – Tumipa si Andrew Wiggins ng 22 points, habang nagdagdag si Rudy Gobert ng 18 points, 12 rebounds at 3 blocked shots para banderahan ang World team laban sa U.S., 121-112, sa Rising Stars Challenge ng NBA All-Star Weekend.
Hinirang si Wiggins, ang No. 1 pick mula sa Canada na kinuha ng Minnesota Timberwolves, bilang Most Valuable Player ng laro.
Nag-ambag sina Bojan Bogdanovic (Brooklyn Nets) ng Croatia, naglaro sa kanyang home court, at Nikola Mirotic (Chicago Bulls) ng Montenegro ng tig-16 points para sa World.
Sina Victor Oladipo ng Orlando Magic at Zach LaVine ng Timberwolves ay kumamada naman ng tig-22 points sa panig ng U.S. team sa laro sa pagitan ng mga rookies at second-year players.
Ito ay ang bagong format para sa opening game ng All-Star Weekend na orihinal na ginawa para sa laro ng mga rookies na ginawang rookies kontra sa second-year players at ngayon ay pinalitan ng world laban sa U.S. players.
Karamihan sa naturang laro ay mga 1-on-1 play at konting depensa.
Ang ilan sa mga slam dunks ay impresibo kung saan ang apat na nagsalpak ay lalaban sa slam dunk contest.
Tumapos si Gorgui Dieng (Timberwolves) ng Senegal na may 14 points, habang nagtala si Giannis Antetokounmpo (Milwaukee Bucks) ng Greece ng 12 points at 10 rebounds para sa World.
Nagtala si Trey Burke ng Utah Jazz ng 17 points para sa nabigong U.S. team.