MANILA, Philippines - Magsasagawa ang Ronda Pilipinas 2015, inihahandog ng LBC, ng community service kasabay ng kanilang nationwide search para sa mga siklistang may potensyal na mapasama sa national team.
Sinabi ni Nena Wuthrich ng LBC Foundation, nakipagtambal sa Ronda para sa huling apat na edisyon ng pagdaraos ng social works, na naglatag sila ng ilang programa kasama ang environment friendly activities na sisimulan ng mangroves planting sa Bacolod sa Feb. 12.
“This is in line with LBC’s thrust to reach out to the community using Ronda Pilipinas as one of our vehicles,” wika ni Wuthrich.
Ang iba pang aktibidad na inilinya ng LBC Foundation sa Ronda ay ang pagbisita sa mga cancer victims ng Kythe Foundation sa Tarlac City sa Feb. 16, ang refurbishing at pavers installation ng mapipiling eskuwelahan sa Antipolo City sa Feb. 17 at ang feeding program sa Dagupan, Pangasinan sa Feb. 26.
Isang tree-planting activities ang pinaplano rin sa Dumaguete City kung saan sisimulan ang Ronda at sa Baguio City na pagtatapusan ng karera.
“Ronda Pilipinas is not just all about the race, it’s also about promoting local tourism by showing off some of the country’s beautiful places, doing community service and promoting environmental protection,” wika ni Ronda executive director Moe Chulani.
Pakakawalan ng Ronda ang isang three-stage Visayas Qualifying Leg sa Feb. 11-13 sa Negros island kung saan may nakalatag na 54 slots (50 elite at 4 juniors).
Susundan ito ng two-stage Luzon qualifier sa Feb. 16 at 17 sa Tarlac at Antipolo City na magtataya ng 34 spots (30 elite, 4 juniors).
Ang 88 Visayas at Luzon qualifiers ang makakasama ni 2014 champion Reimon Lapaza ng Butuan, bukod pa sa nine-man national team na pamumunuan ni Mark Galedo at isang composite European team sa Championship round sa Feb. 22-27 sa Greenfield City sa Sta. Rosa at magtatapos sa Baguio City.
Magsisimula ang Stage One ng Visayas sa Negros Oriental Provincial Capitol at magtatapos sa Silay City Plaza (172.7 kilometers para sa elite, 120.2 kms para sa juniors) kasunod ang Stage Two sa Bacolod City Plaza na magwawakas sa Bacolod Government Center via Don Salvador Benedicto at San Carlos (158 kms para sa elite, 110.5 kms para sa juniors) sa Feb. 12, habang ang Stage Three ay sisimulan sa Negros Occidental Provincial Capitol.