BAGUIO City, Philippines –- Si Thomas Lebas ng continental team na Bridgestone Anchor Cycling team ng Japan ang hinirang na kampeon sa pagtatapos ng 2015 Le Tour de Filipinas na handog ng Air21 kasama ang MVP Sports Foundation kahapon sa harap ng Baguio Convention Center.
Matapos sundan-sundan ang mga front runners na sina Stage 1 winner Eric Thomas Sheppard ng Team Novo Nordisck (USA) at ang natanggalan ng koronang si Mark Galedo ng 7-Eleven Road Bike Phippines, sumabay si Lebas sa pag-atake ng mga Iranians at kumawala sa huling bahagi ng karera para tumawid ng finish line bilang runner-up sa stage winner na si Mirsamad Pourseyedigolakhour ng Iran continental team na Tabriz Petrochemical sa 101.7 kms. Lingayen-Baguio City Stage Four sa tiyempong 2 oras, 54 minuto at 1 segundo.
“I just followed in the early stages because I’m just four seconds behind the overall leader but today (kahapon) I did not attack. I just followed the Iranians because they’re the strongest in the peloton today,” pahayag ng 28-anyos na si Lebas, nagtala ng oras na 13 oras, 40 minuto at 49 segundo sa kabuuang 532.5 kilometro matapos tumawid ng finish line na may 42 segundong distansiya sa stage winner sa karerang suportado rin ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at Canon at mga road partners na Isuzu, MAN Truck and Bus, Viking Rent-A-Car at NLEX.
Pangatlo sa individual general classification mula umpisa hanggang sa Stage 3 kamakalawa na ilang segundo lang ang agwat, naiwanan ni Lebas ang mga ito tungo sa kanyang ikalawang titulo sa taon at ikaapat sa kabuuan ng kanyang career.
Bukod sa panalo ni Pourseyedigolakhour sa final stage, ang pag-atake ng mga Iranians ay nagbunga ng pagkapanalo ng Tabriz Petrochemical sa team general classification matapos magtala ng total time na 41 oras, 12 minuto at 13 segundo para talunin ng isang segundo ang Bridgestone Anchor Cycling team at sibakin ang dating nangungunang 7-11 Roadbike team.
Tinanghal ding Best Climber ang isa pang Iranian na si Askari H ng Pishgaman Giant Team matapos pangunahan ang labanan sa KOM.
Kinapos naman si Galedo sa oras para maghabol at makuntento sa runner-finish overall na may 1.57 minutong distansiya laban kay Lebas.
Natumba naman si Sheppard nang naghahabol ito papasok sa huling dalawang kilometro ng karera ng tanging UCI –sanctioned na roadrace dito sa Pilipinas at inorganisa ng Ube Media Inc. na pinamumunuan ni Donna Lina-Flavier.