‘Twice-to-beat’ sa Lady Eagles

MANILA, Philippines - Lumabas ang tunay na laro ng nagdedepensang Ateneo Lady Eagles matapos kunin ang 25-18, 25-18, 25-18 panalo laban sa UP Lady Maroons sa 77th UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Matapos ang mahinang panimula, tumapos pa rin si Alyssa Valdez taglay ang 20 hits at nakuha ang suporta nina Amy Ahomiro at Julia Morado para maisantabi ang naunang five-set win sa unang pagtutuos.

Ito rin ang ika-10 sunod na tagumpay ng Lady Eagles para angkinin na ang unang upuan at ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four.

May 16 kills si Valdez, habang si Isabelle De Leon ay may 9 attack points.

Nabuhay muli ang opensa ng La Salle Lady Spi­kers sa ikaapat na set para kunin ang upuan sa semifinals sa 25-22, 25-20, 21-25, 27-25 tagumpay laban sa National University Lady Bulldogs.

Isang panalo na lang ang kailangan ng Lady Spi­kers para hawakan ang ‘twice-to-beat’ incentive.

Sa men’s division, tinalo ng Ateneo Eagles ang nagdedepensang NU Bulldogs, 25-20, 25-16, 25-27, 25-16, habang nanaig ang Adamson Falcons sa UST Tigers, 23-25, 25-20, 25-20, 25-17.

Dahil dito, ang Ateneo at Adamson ang nagsalo sa unang puwesto sa magkatulad nilang 8-2 baraha. (AT)

 

Show comments