Ateneo volleybelles nakalapit sa semis

MANILA, Philippines – Hinawakan ng nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles ang playoff para sa upuan sa semifinals nang daigin ang Adamson Lady Falcons sa limang sets, 25-21, 17-25, 25-14, 22-25, 15-10, sa 77th UAAP women’s volleyball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Gumawa ng season-high na 30 hits si Alyssa Valdez, sina Amy Ahomiro at Ella De Jesus ay may tig-12 at sina Isabelle De Leon at Jhoana Louisse Maraguinot ay nagsanib sa 18 puntos upang maiangat ang Ateneo sa malinis na  9-0 karta.

May 24 kills si Valdez habang 10 pa ang hatid ni De Jesus para bigyan ang Lady Eagles ng 62-47 bentahe sa attack department.

Ang mga sinasandalan ng Lady Falcons na sina Jessica Galanza, Mylene Paat at Amanda Villanueva ay nagtambal sa 48 hits pero hindi nila nasakyan ang momentum nang magwagi sa fourth set upang bumaba pa sa ikapitong puwesto sa 3-6 baraha.

Kinalawit naman ng UST Tigresses ang ikatlong sunod na panalo sa pamamagitan ng 25-22, 25-19, 25-18 panalo sa bumubulusok na NU Lady Bulldogs sa unang laro.

May 4-5 baraha ang UST para makasama ang NU bukod pa sa mga pa-hingang UP Lady Maroons at FEU Lady Tamaraws sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto.

Nanalo naman ang UST sa FEU, 25-21, 25-23, 25-22 habang umani ang Ateneo ng 25-17, 25-17, 26-24 tagumpay sa UE sa 2-l men’s divisionaction. (AT)

Show comments