MANILA, Philippines - Matapos bumisita sa ‘The Today Show’ kamakailan, ginamit naman ni Manny Pacquiao ang social media para muling hikayatin si Floyd Mayweather, Jr. na labanan siya.
Sa kanyang Twitter account na @MannyPacquiao, sinabi ng Filipino world-eight division champion na kayang-kaya niyang talunin si Mayweather kung matutuloy ang kanilang super fight sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“I can easily beat @FloydMayweather, I believe that,” wika ni Pacquiao, nasa United States para sa promosyon ng dokumentaryong ‘Manny’ bukod pa sa pagiging judge niya sa Miss Universe pageant sa Florida.
Nauna nang inihayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na pumayag na si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs) sa lahat ng kondisyones ni Mayweather (47-0-0, 26 KOs) para lamang ma-tuloy ang kanilang upakan.
Binigyan na ng deadline ng 36-anyos na si Pacquiao ang 37-anyos na si Mayweather hanggang sa katapusan ng buwan para pirmahan ang kanilang fight contract.
“If you really care about the fans, you will fight. If you care about yourself... you won’t fight. #MannySmile,” wika ni Pacquiao.
Sinabi naman ni Mayweather na si Arum ang patuloy na nagpapaantala sa kanilang mega bout ni Pacquiao.
“We’re trying, but it’s been extremely difficult dealing with Top Rank. And I don’t want to sit here and point the finger at Pacquiao and say ‘It’s him.’ It’s not Pacquiao, it’s his promoter,” sabi ni Mayweather.
Bagama’t hindi pa pormal na nakukumpirma ang naturang laban ay inilagay na ng mga oddsmakers sa Las Vegas si ‘Pacman’ bilang underdog. Ngunit hindi naman ito pinansin ng Filipino boxing superstar.
“Everyone had me as a big underdog to @OscarDeLaHoya too. If @FloydMayweather fights me boxing will get an even bigger upset victory,” ani Pacquiao.
Dahil hindi pa rin pumipirma si Mayweather matapos sundin ang lahat ng kanyang kondis-yones para matuloy lang ang laban, sa tingin ni Pacquiao ay talagang iniiwasan siya ng undefeated American fighter. (RC)