MANILA, Philippines - Hindi pa rin natinag si Ruben Tupas bilang pinakamahusay na trainer sa horse racing ng 2014.
Binigyan ni Conrado Vicente ng magandang laban si Tupas at katunayan, siya ang lumabas bilang number one trainer kung bilang ng kabayo na nanalo ang pag-uusapan.
Pero mas malalaki ang premyong napagwagian ng mga sinanay ni Tupas para muling dominahin ang palakihan ng kita ng mga trainers.
Kumabig ng 165 panalo bukod sa 142 segundo at 128 tersero at kuwarto puwestong pagtatapos, si Tupas ay nagkamal ng P3,988,577.83 kita sa isang taong pagsasanay ng mga kabayo.
Nasa ikalawang puwesto si Vicente tangan ang P3,283,277.88 premyo at pinagningning niya ito bitbit ang nangungunang 185 panalo. Mayroon ding 169 segundo, 135 tersero at 130 kuwarto puwesto si Vicente.
Si Dave dela Cruz ang isa pang trainer na may mahigit na isang daan na una hanggang sa pang-apat na puwesto (151-131-142-128) para malagay sa ikatlong puwesto bitbit ang P2,680,799.41 kita.
May 13 trainers ang nag-uwi ng mahigit na isang milyong kita pero si Danny Sordan ang lumabas na nasa ikaapat na puwesto sa P1,624,927.61 (77-48-58-40) habang si RR Yamco ang nasa ikalimang puwesto sa P1,452,161.67 (74-81-104-114).
Ang iba pang trainers na nasa unang sampung puwesto ay sina RP La Rosa sa P1,431,899.51 (105-59-44-36), JA Lapus na may P1,388,432.78 (66-95-104-118), AC Sordan Jr. na may P1,346,708.83 (79-68-102-90), RR Henson na may P1,189,192.91 (65-67-46-55) at MM Vicente na may P1,182,682.31 (59-60-72-79). (AT)