MANILA, Philippines - Binuksan ng POC ang pintuan para sa lahat ng mga women volleyball players na nais mapabilang sa koponan na ilalaban sa Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5-16.
Ang POC ang siyang nangangasiwa sa paghahanda sa volleyball dahil hindi nila kinikilala ang liderato ng Philippine Volleyball Federation (PVF) bunga ng patuloy na kawalan ng eleksyon.
Si POC 1st Vice President Joey Romasanta ang siyang tinokahan na pamunuan ang paghahanda ng bansa at minabuti niyang buksan sa lahat ang pagpapatala ng kanilang pangalan para siyang pagpilian nina national coaches Roger Gorayeb at Sammy Acaylar.
Ito ay para mabigyan din ng pagkakataon ang mga manlalarong napili sa PVF team upang matiyak na malakas ang national women’s team.
“Ang maganda ngayon lahat ay magkakaroon ng opportunity na ma-consider sa SEA Games,” wika ni Romasanta.
Nagkaroon na rin ng ugnayan ang POC at ang team captain ng PVF team na si Tina Salak para siya na lamang ang magdala ng biodata ng mga kasamahan na interesado na mapasama sa bubuuing koponan.
“Ang mahalaga ay binuksan na natin ang pintuan para mabigyan ng pagkakataon ang lahat,” ani Romasanta.
Nauna nang nagplano ang POC na mag-imbita lamang ng ilang manlalaro pero dahil mataas ang antas ng women’s volleyball sa bansa kaya isinantabi ang plano.
Taong 2005 nang huling maglaro ang Pilipinas sa SEA Games at kung makakapasok ang mga mahuhusay na manlalaro ay kayang makakuha ang bansa ng silver medal.
Pumasok ang POC dahil hindi makakalaro ang mga NSAs sa SEA Games kung hindi bibigyan ng basbas ng National Olympic Committee (NOC).