Pabilisan ang labanan sa Le Tour--Galedo

MANILA, Philippines - Naniniwala si defending individual titlist Mark Galedo na ang ikaanim na Le Tour de Filipinas na hatid ng Air21 at lalarga sa Feb. 1-4 ay magiging labanan ng bilis dahil na rin sa kakaunting akyatin sa ruta kumpara sa  mga nagdaang edisyon.

 “Sa tingin ko pabilisan ang labanan ngayon,” sabi ni Galedo, kakarera sa pagkakataong ito para sa Philippine team, sa press launch ng UCI-sanctioned tour sa Manila Hotel kahapon.

Ang apat na araw na karera na may kabuuang distansiyang 530.09km ay sisimulan ng 126-km ‘Balanga Circuit Race’  sa Bataan.  Susundan ito ng 153.75-km ride mula sa Balanga patungong Iba, Zambales at ng 149.34 km race mula Iba papuntang Lingayen, Pangasinan bago ang 101-km na pag-akyat sa Baguio via Kennon Road.

“Last year, masyadong technical ang labanan,” sabi ni Galedo na tinutukoy ang 2014 roller-coaster rout sa Cordilleras mula sa Kayapa, Nueva Vizcaya patungong Baguio. “Pero ngayon, hindi gaano kataas ang ahunan kaya maraming atake at banatan na mangyayari sa patag pa lang.”

Mabigat ang labang haharapin ni Galedo na sasamahan ng mga national riders na sina Ronald Oranza, Junrey Navara, Ronald Lomotos at Jerry Aquino at ng defending team champion  na 7-Eleven/Roadbike Phi-lippines na binubuo nina  Chris Joven, Ryan Cayubit at Felipe Marcelo kasama ang kanilang mga reinforcements na sina Spanish Edgar Nieto at Dutch Kenny Nijssen kontra sa iba pang foreign riders na pinangu-ngunahan ni 2011 Iranian champion Rahim Emami ng  Pishgaman Yzad ng Pro Cycling Team at 2013 edition winner Ghader Mizbani ng Petrochemical Team.?

Ang iba pang mga kasali ay ang baguhang US-based na Team Novo Nordisk, RTS Santic Racing Team and Attaque Team Gusto ng Taiwan, Singha Infinite Cycling Team ng Thailand at Kazakhstan national team. (OLeyba)

Show comments