MANILA, Philippines – Ngayon pa lamang ay nag-iingay na ang Pilipinas kaugnay sa magiging patakaran para sa darating na Southeast Asian Games sa Singapore.
Sinabi ni Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia na dapat nang magkaroon ng pag-uusap ang mga miyembro ng SEA Games Federation para sa mga sports at events na isasama sa 2015 Singapore SEA Games.
Kinatigan ni Garcia ang plano ni Philippine Olympic Committee president Jose Cojuangco na imbitahan ang mga miyembro ng SEA Games Federation para sa isang pulong.
Umaasa si Cojuangco na makakakuha siya ng atensyon sa kanyang mga kapwa miyembro para ayusin ang officiating at ang paghahanay ng mga events sa SEA Games.
“The POC has the authority to call for a meeting among the members of the federation and for all of them to look at the sports being played in the SEA Games,” sabi ni Garcia.
Sa obserbasyon ng PSC chief, walang fixed sports at events na inilalatag sa SEA Games.
“It changes quite too often. Pabagu-bago. And sometimes people (other members) don’t realize that certain events have already been scratched,” sabi ni Garcia.
Sa 2015 SEA Games sa Singapore sa Hunyo ay kabuuang 402 gold medals ang paglalabanan sa 36 sports.
Matagal nang nangyayari na ang host country ng SEA Games ang naglalagay ng maraming gold medals sa kanilang mga piniling traditional at indigenous sports.
Puwede ring alisin ng host country ang mga events kung saan sila mahina.
Noong 2013 SEA Games ay hindi isinama ang mga Olympic sports kagaya ng gymnastics, tennis at beach volleyball, habang ipinasok naman ang vovinam, kempo at chinlone.
Ito ang nagbibigay sa host countries ng bentahe sa medals race. (AC)