MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon si Dennis Orcollo na bigyan ng magandang panimula ang Pilipinas sa bilyar sa paglahok niya sa 2015 Joy Cup World Chinese 8-Ball Masters sa Qinhuangdao, China.
Ang kompetisyon ay gagawin sa Enero 5-8 at ang tatanghaling kampeon ay magbubulsa ng $48,400.00.
Si Orcollo ay sasali sa unang pagkakataon at isa sa 12 dayuhan na makakalaban ang 12 Chinese cue-artists.
Pinalawig ang bilang ng mga kalahok sa edisyong ito dahil noong 2014 ay nasa tig-walong dayuhan at Chinese players ang naglaban.
Ang magdedepensa ng titulo ay si Gareth Potts ng Great Britain, habang ang iba pang foreign players ay sina Ralf Souquet ng Germany, Earl Strickland ng USA, Alex Pagulayan ng Canada, Naoyuki Ooi ng Japan, Stephen Hendry ng Scotland, Anna Mazhirina ng Russia, Daryl Peach, Darren Appleton, Karl Boyes at Chris Melling ng Great Britain.
Babandera sa hanay ng mga Chinese players si Shi Hanqing na pumangalawa kay Potts sa huling edisyon. (ATan)