MANILA, Philippines - Malayo pa ang tatahakin ni Kobe Paras ukol sa pangarap niyang makapaglaro sa NBA.
Ngunit dahil sa kanyang magagandang inilaro sa Los Angeles Cathedral sa isang Southern California high school tournament, nagsimula na ang anak ng isang PBA rookie Most Valuable Player na mapalapit sa kanyang pangarap.
Tinulungan ng 6-6 na si Paras, nagsimulang maglaro ng high school ball para sa La Salle-Greenhills bago nagtungo sa LA ngayong taon, ang Cathedral na kunin ang come-from-behind 65-63 win para makamit ang San Fernando Valley Invitational title.
Bagama’t ang triple ng kakamping si Milan Acquaah ang naggiya sa koponan sa tagumpay, isa naman si Paras sa namayagpag nang magtala ng average na 16 points sa lahat ng kanilang anim na panalo kabilang ang isang 30-point eruption sa 77-67 semifinal win kontra sa Alema.
Dahil dito, hinirang si Paras sa All-Tournament Team.
“Great win! Thank you to everyone who watched! & a big s/o to Chaminade and the Chaminade SS! I hope my school has a SS section like that,” sabi ni Paras sa kanyang Twitter account @Im_Not_Kobe.
Ginagamit ni Paras, nakatakdang maglaro para sa US NCAA Division I UCLA, ang kanyang United States experience para sa katuparan ng kanyang pangarap na makapaglaro sa NBA.