MANILA, Philippines - Kapag isa kang world boxing champion ay dapat mong labanan ang sinumang maghahamon sa iyo.
Ngunit hindi sa kaso ni Floyd Mayweather, Jr. na gustong magretirong walang nalalasap na pagkatalo sa kanyang boxing career.
Sinabi ni chief trainer Freddie Roach sa panayam ng The Fight Game ng HBO na kukuwestiyunin ang maiiwang legacy ni Mayweather kapag hindi nito nilabanan si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
“That’s the thing with boxing, if you are champion of the world you fight everybody, you don’t duck anybody and you fight all comers. If he retires not fighting Manny, that will be a big question when he’s asked for things,” ani Roach kay Mayweather. “I think that will ruin his legacy.”
Halos limang taon nang pinipilit na maayos ang negosasyon para sa super fight nina Pacquiao at Mayweather.
Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito napaplantsa
Matapos pabagsakin ng anim na beses patungo sa kanyang unanimous decision victory kay American challenger Chris Algieri noong Nobyembre 23 ay hinamon ni Pacquiao si Mayweather.
Ngunit pawang pang-iinis lamang ang sagot ng ng 37-anyos na si Mayweather sa 36-anyos na Filipino boxing superstar gamit ang social media.
Sa isang panayam ng Showtime ay pumayag na si Mayweather na labanan si Pacquiao, ngunit hindi na niya bibigyan ng premyong $40 milyon ang Sarangani Congressman.
Hindi naman pinapahalagahan ni Pacquiao ang matatanggap niyang premyo kundi ang maibigay sa boxing fans sa buong mundo ang kanilang hinihiling.
Ayon kay Roach, isang five-time Trainer of the Year awardee, takot si Mayweather na labanan si Pacquiao dahil sa posibilidad na malasap ang kauna-unahan niyang kabiguan.
Kaya naman imbes na si Pacquiao ang sagupain ay muling pinili ni Mayweather na labanan si Marcos Maidana sa isang rematch.
Gusto ni Mayweather na labanan si Pacquiao sa Mayo 2 ng susunod na taon.