Sisimulan na ng Davao del Norte ang paghahanda para mag-host ng 2015 Palarong Pambansa

DAVAO DEL NORTE, Philippines – Konting repair at pag-aayos ng pasilidad ang sisimulan sa pagpasok ng bagong taon para maging handa ang Davao del Norte na mag-host ng 2015 Palarong Pambansa, ayon kay Davao del Norte Governor Rodolfo del Rosario.

Bagama’t handa ang Davao del Norte na mag-host ng annual multi-sport event para sa mga student athletes anumang oras, sanabi ni Del Rosario na nais siguruhin ng Davao del Norte na magiging maayos ang lahat para makapagtakda ng batayan para sa mga susunod na host ng kompetisyong pinangangasiwaan ng Department of Education.

Nakakuha ang Davao del Norte ng 16  sa 18 votes mula sa selection committee para talunin ang Zamboanga del Norte, Lanao del Norte, Surigao del Norte at South Cotabato.

Ang magiging sentro ng 2015 Palaro na gaganapin sa May 3-9 ay sa Davao del Norte Sports Complex sa Tagum City.

Sinabi ni Del Rosario na prayoridad ang pag-a-upgrade ng mga tubo ng tubig sa sports complex at mga satellite competition venues gayundin sa billeting centers para sa event na inaasahang titipon ng 10,000 athletes, officials, fans at supporters mula sa 17 regions kaya aabot sa tinatayang 15,000-katao ang dadayo sa probinsitya.

Ang complex ay may eight-track athletics oval, Olympic-size swimming pool na may katabing warm up pool at 500-person capacity grandstand, multi-purpose gymnasium, dalawang tennis courts at club house.

Prayoridad din ang seguridad kaya magpapakalat ang Davao del Norte Provincial Police Office ng tinatayang isang libong personnel mula sa police, Army at iba pa, ilang linggo at ilang araw bago magsimula ang Palaro. Sila ay itatalaga sa billeting areas, venues, mga mataong lugar at entry points sa lungsod.

Mayroong VIP express lane mula Davao airport hanggang Tagum City para hindi mahirapan ang mga Palaro participants sa mga ma-traffic na lugar.

Ang Davao del Norte ay hindi bago sa pagho-host ng major local competitions dahil may karanasan na sila sa pagho-host ng 2013 Batang Pinoy Mindanao leg, 2014 Private Schools Athletic Association, Davao Region Athletic Association at Philippine Football Federation Regional Qualifiers.

Show comments