MANILA, Philippines – Magkakaalaman sa Disyembre 28 kung sino ang pinakamahusay na juvenile horse sa 2014 sa pagtakbo ng Philracom Juvenile Championship sa Santa Ana Park sa Carmona, Cavite.
May 14 kabayo na ninomina noong Lunes para kumarera sa 1,600-meter race na siyang huling malaking karera na itinataguyod ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Nilagyan ang karera ng P2.5 milyong kabuuang premyo at ang mananalong kabayo ay magkakamit ng P1.5 milyon unang gantimpala bukod sa magiging paborito sa 2015 Triple Crown.
Kasama sa ipinatala ay ang mga coupled entries na Hook Shot at Sky Hook ni Joseph Dyhengco, Jebel Ali at Princess Ella ng SC Stockfarm at Icon at Red Lakota ni Aurora Sevilla.
Ang iba pang kasali ay ang Bungangera ni Alberto Alvina, Driven ni Felipe Vergara, Hurricane Ridge ni Ferdinand Roxas, Princess Meili ni Bingson Tecson, SI Rookie ni Narciso Morales, Take It Or Leave It ni Ruben Dimacuha at The Scheduler ni Patrick Uy.
Halos lahat ng mga kasali ay nagsipanalo na sa malalaking pakarera para sa taong 2014 kaya’t inaasahang handang-handa ang mga ito sa araw ng karera.
Ito na ang ikatlong malaking karera na mangyayari bago magsara ang taon. Sa Linggo gagawin ang dalawang major stakes race sa pangunguna ng PSCO Presidential Gold Cup na katatampukan ng pagtutuos ng mga premyadong kabayo na Hagdang Bato at Pugad Lawin sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang isa tampok na karera sa araw na ito ay ang Philracom Grand Derby na paglalabanan sa 2,000-metro distansya. Ang mga kasali rito ay ang Dixie Gold at coupled entry Skyway, Malaya at stable mate Kanlaon, King Bull, Great Care, Manalig Ka, Messi at Marinx at coupled entry na Tap Dance.
Nasa P1 milyon ang kabuuang premyong nakataya sa karera at ang mananalo ay magbibitbit ng P600,000.00 gantimpala. (AT)