MANILA, Philippines – Sa pagkakataong ito ay nakondisyon ang Limit Less para makuha ang panalo sa unang karerang pinaglabanan noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Pat Dilema ang hinete pa rin ng kabayo na pumang-apat lamang noong Disyembre 11 sa isang special race sa nasabing race track.
Pero handang makipagsabayan ang tatlong taong colt na pag-aari ni Patrick Uy at may lahing First Blush at Liar.
Nakaribal ng tambalan ang Super Whaa ni Rodeo Fernandez pero naubos ito sa huling 50-metro sa 1,200-metro karera at kinapos ng isang dipa sa meta.
Ang napaboran sa karera na Hermosa Street ni Kevin Abobo dahil pumangalawa at nanalo ang tambalan sa unang dalawang takbo sa buwan ng Disyembre ay hindi tumimbang sa pagkakataong ito.
Lumabas bilang long shot sa una sa magkasunod na gabi ng karera sa baguhang pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. ang Limit Less para makapaghatid ng P155.50 sa win at P228.50 sa 11-13 forecast.
Nagbunga rin ang pagbalik sa pagrenda sa Flo Jo ni Christopher Garganta nang nanalo ang kabayo bilang isa ring dehado sa race three na isang 1,100m karera.
Kumilos ang limang taong mare horse na anak ng Yes Boss sa Miss Jones sa rekta at mula sa labas ay inabot ang Friends For Never na nabigong sundan ang panalo na nailista noong Disyembre 4.
Tinapos ng Flo Jo ang dalawang sunod na tersera puwestong pagtatapos sa naunang dalawang takbo sa buwang ito at naghatid ng P49.00 sa win at P168.00 sa 3-5 forecast.
Ang pinakaliyamadong kabayo na nanalo ay ang Ubot sa race 11 na ginabayan din ni Dilema para sa horse owner na si Uy.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng kabayo sa buwang ito na agad na kinuha ang kalamangan tungo sa banderang tapos na panalo sa 1,100m karera.
Halos tatlong dipa ang layo ng apat na taong colt sa nagbabalik sa pagtakbo na Endorser para magkaroon pa ng P22.50 ang 11-5 forecast matapos ang balik-taya sa win (P5.00). (AT)