MANILA, Philippines – Dumiretso ang Arellano University sa kanilang pang-walong sunod na panalo matapos gibain ang Jose Rizal, 25-10, 25-14, 25-16 para patuloy na do-minahin ang 90th NCAA women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Humataw si Danna Henson ng match-high na 20 hits kasama ang 17 sa kills, habang nagdagdag si CJ Rosario ng 15 kung saan ang 14 ay galing sa spikes para sa 8-0 record ng Lady Chiefs.
Iniwanan ng Arellano para sa liderato ang Perpe-tual Help at San Sebastian, parehong may 7-1 baraha.
Nalasap naman ng Lady Bombers ang kanilang ikaapat na kabiguan sa limang laro para sa No. 5 spot.
Sa men’s action, binalikan ng Arellano ang Jose Rizal, 19-25, 26-28, 25-21, 25-22, 15-6 para sumosyo sa No. 3 kasama ang College of St. Benilde (5-2).
Binanderahan ni John Joseph Cabillan ang Chiefs sa kanyang 18 hits, habang nagtala ng 15 at 12 sina Benrasid Latip at Christopher Vidal Soriano, ayon sa pagkakasunod.
Nakaligtas ang tropa ni coach Sherwin Meneses sa hamon ng power-hitting pair nina Michael Edmar Tobias at team captain Joshua Manzanas, nagposte ng tig-22 hits para sa Heavy Bombers.
Tumamlay sina Tobias at Manzanas sa panig ng Jose Rizal sa fifth at final set na nagbigay ng panalo sa Arellano.
May 2-7 marka ngayon ang Heavy Bombers.