MANILA, Philippines – Hindi napigilan ang malakas na pagdating ng Thunder Maxx para kilalaning kampeon sa PCSO Special Maiden Race noong Sabado sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Si Christian Garganta ang sakay ng dalawang taong colt na naunang nalagay sa pang-apat na puwesto at kumilos sa kalagitnaan ng 1,400-metro distansyang karera.
Paborito sa karera ang Song Of Songs na ginaba-yan ni Jonathan Hernandez para kay Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at alagwa agad ang tambalan sa pagbubukas ng aparato.
Pero naubos din ang kabayong nanalo sa Trial race nang abutan ng Thunder Maxx sa huling 75-metro ng karera tungo sa halos isang dipang agwat na panalo.
May lahing Cat Brulay sa Gold Bug, ang Thunder Maxx ay nagkamit ng P600,000.00 mula sa P1 milyong premyo habang ang 2-year old filly na Song Of Songs na may lahing Ultimate Goal at Dreambride ay nagbitbit ng P225,000.00.
Ang pumangatlo ay ang Valenzuela ni Jeff Zarate para sa P125,000.00 premyo.
Dehado ang Thunder Maxx para maghatid ng P190.50 sa win habang ang 4-7 forecast ay may P197.50 dibidendo.
Samantala, magpapakarera ang Philippine Racing Commission (Philracom) ngayong gabi na ang kikitain ay mapupunta sa mga nabiktima ng bagyong Ruby.
Sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite gagawin ang dalawang karera na sinahugan ng P250,000.00 kabuuang premyo.
Ang mananalo rito ay tatanggap ng P150,000.00 habang ang papangalawa hanggang papang-apat ay may P56,250.00, P31,250.00 at P12,500.00.
Ang perang malilikom ay ibibigay sa Philippine Red Cross. (AT)