MANILA, Philippines – Hindi na-excite si Manny Pacquiao sa mga pahayag ni Floyd Mayweather Jr. kamakalawa.
Sinabi ni Maywea-ther na handa na niyang harapin si Pacquiao sa May 2. Ngunit maliban sa petsa ng laban, wala nang ibinigay na ibang detalye ang American boxer na walang ibang iniisip kungdi ang kanyang malinis na record.
Tinawag niya si Pacquiao na desperado at itinuro si Bob Arum na dahilan kung bakit hindi matuluy-tuloy ang laban na inaabangan ng lahat.
Sinabi ni Mayweather na hinding-hindi makakakuha si Pacquiao ng patas na hatian sa kita na sinasabing aabot sa ilang libong milyon dahil natalo ang Fighting Congressman ng dalawang sunod noong 2012.
Matapos ang dala-wang sunod na talo, nakatatlong sunod na panalo na si Pacquiao kabilang ang kanyang huling panalo noong Nob. 23 nang anim na beses niyang napahalik sa lona si Chris Algieri para sa kanyang lopsided victory.
Walang pakialam si Mayweather kahit sino ang talunin ni Pacquiao.
Para sa kanya, ang importante lamang ay ang kanyang undefeated record na 47 fights habang si Pacquiao ay 3-2 sa huling dalawang taon at 57-5-2 win-loss-draw overall.
Tumatanda na ang da-lawang boxing superstars at marami ang naniniwala na kung hindi mangyayari ang laban sa 2015 ay hindi na ito bebenta kung mangyayari sa mga susunod na taon.
Si Pacquiao ay magdiriwang ng kanyang ika-36 kaarawan nitong Miyerkules habang mas matanda si Mayweather na 38 na sa Feb. 24.
“We are ready. Let’s make it happen. Let’s do it,” sabi ni Mayweather sa Showtime.
Ngunit handa na ba talaga siya?
Matagal nang handa si Pacquiao na kalabanin si Mayweather at sa tingin niya, si Mayweather ang susi para mangyari ito.
“Gawin mo, hindi ‘yung puro salita lang,” sabi ni Pacquiao patungkol kay Mayweather.
Hanggang walang nangyayaring negosasyon, walang katotohanan ang mga pahayag ni Mayweather.
“Huwag puro salita. Pumirma na siya,” aniya. “Basta mag-usap muna. Mahirap kung ‘di mag-uusap eh.”
Inaasahang kung-anu-anong kondisyon ang hihingiin ni Mayweather na maaaring makuha niya.
Wala nang pakialam si Pacquiao, matuloy lang ang laban.