LABUAN, Malaysia – Inihatid ni Sonny Wadgos ng University of Mindanao ang ikalawang gintong medalya para sa Team Mindanao-Philippines sa pagtatapos ng athletics competition sa 8th BIMP-EAGA (Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines-East Asia Growth Area) Friendship Games noong Linggo sa Labuan Sports Complex dito.
Nagtala si Wagdos ng tyempong 16 minuto at 25.99 segundo sa men’s 5,000 meter run upang talunin para sa gold medal sina Zainuddin ng West Kalimantan (16:48.66) at ang kanyang Davao City teammate na si Glein D. Payac (17:41.84).
Bunsod ng panalo ng 20-anyos mula sa Agusan del Sur, nakopo ng Team Mindanao ang kabuuang dalawang ginto, isang silver at isang bronze sa athletics competition ng torneo na bahagi ng taunang programa ng apat na nagkakaisang bansa.
Nanalo rin si Wagdos sa men’s 1,500m noong Linggo at naka-silver medal din sa men’s 800 meter.
Bahagi rin siya ng men’s 4X400 relay team na humugot ng bronze medal.
“Masayang-masaya po ako kasi hindi nasayang ang ensayo ko at nakapagbigay ako ng karangalan hindi lamang sa Team Davao kundi sa buong bansa,” pahayag ni Wagdos, kabilang sa mga bagitong atleta na hinihikayat na mapabilang sa national training pool ng Philippine Sports Commission (PSC).
Nakipagsabayan si Wagdos sa huling 100 metro, ngunit ang tyempo niyang 1:58.06 ay sapat lamang para sa silver medal ng 800m event na pinagbidahan ni Fredy Pattiasina ng East Kalimantan (1:57.54) at Raymond Yew Liang Fung ng Sabah (1:58.35).
Samantala, nagkasya sa silver medal si April Rose Guiang sa wo-men’s discus throw bago ginabayan ang women’s 4X400 meter relay team na kumopo naman ng bronze medal.