May 2 panalo na ang Philadelphia Sixers 12-sunod na panalo sa Warriors

AUBURN HILLS, Mich. – Ang Three pointer ni Hollis Thompson sa final seconds ang nagdala ng laro sa overtime at iginupo ng Philadelphia 76ers ang Detroit Pistons 108-101 sa labanan ng mga kulelat na teams sa NBA nitong Sabado.

Naitala ng Philadelphia (2-18) ang kanilang ikalawang panalo sa 3-laro matapos ang 0-17 panimula sa season habang nalasap ng Detroit (3-17) ang ika-11 sunod na talo.

Naitabla ni Thompson ang iskor sa 100-all nang kanyang ipasok ang fadeaway mula sa right corner, may 13.4 segundo ang natitira sa regulation. Umiskor ng isang puntos lamang ang Pistons sa overtime.

Umiskor si Robert Covington ng 25 points para sa Philadelphia at nagdagdag si Michael Carter-Williams ng 20.

Pinangunahan ni Josh Smith ang Detroit sa kanyang 23 points at mayroon din siyang walong rebounds at pitong assists.

Nasa kalahati na ng overtime period bago nagkaroon ng iskor nang magpasok si Kentavious Caldwell-Pope ng free throw para sa Detroit, may 2:37 minuto pa ang natitira ngunit ang 76ers ang umiskor ng huling walong puntos ng laro.

Sa Chicago, umiskor si Draymond Green ng career-high 31 points nang igupo ng Golden State Warriors ang Chicago Bulls 112-102 para magtala ng franchise record  na 12-sunod na tagumpay.

Nagdagdag si Klay Thompson ng 24 points para sa Warriors para palawigin ang kanilang  league-best record na  17-2 panalo-talo.

Pinangunahan ni Jimmy Butler ang Bulls sa kanyang 24 points habang nagdagdag si Pau Gasol ng 22 points at 20 rebounds.

Sumulong ang Warriors sa 10-1marka sa road games. Nagtala sila ng franchise-record na 11 sunod na laro mula Dec. 29, 1971-Jan. 22, 1972.

 

Show comments