Asian Juniors and Girls’ Chess C’ship Suede nangunguna na

MANILA, Philippines – Nagtala si Mikee Charlene Suede ng surpresang 62-move victory laban sa paboritong Indian WIM Furtado Ivana Maria kahapon upang kunin ang pangunguna sa girls’ division matapos ang seventh round ng 2014 Asian Juniors and Girls Championships sa Tagaytay International Convention Center sa Tagaytay City.

Epektibo ang naging diskarte ng 20-gulang na si Suede sa end game upang igupo si Ivana Maria sa larong Center Counter Defense tungo sa kanyang pagkopo ng ikalimang sunod na panalo matapos mabigo sa kanyang opening match para manguna sa taglay na 5.5 points.

Ang pagkatalo ay naglaglag sa 2012 Asian Juniors titlist sa second place taglay ang five points.

Malaking comeback ito para kay Suede, isang UP Physical Education senior matapos matalo kay Jerlyn Mae San Diego sa opener at bahagyang nakarekober sa draw laban kay Indian Joshi Supriya.

Sa boys’ play, pinuwersa ni FEU high school junior Merill Jacutina si defending champion IM Master Srinath Narayanan ng India sa draw  matapos ang 51 moves ng larong Sicilian Opening.

Ngunit nanatiling nakadistansiya si Narayanan kay Fide Master Paulo Ber-samina,  na nalimitahan din sa 113-move draw ni Mongolian FM Sumiya Bilguun.

Ang 16-gulang na si Bersamina, Tromso Chess Olympian at World Juniors campaigner ay mayroon nang  five points ngunit nanatiling nasa likuran ni Narayanan.

Nakuntento naman si IM Jan Emmanuel Garcia sa draw laban kay Daryl Unix Samantila para sa kanyang 4.5 points.

Kasalukuyan pang nilalaro ang ikawalong round habang sinusulat ang balitang ito kung saan kalaban ni Suede si Marie Antoinette San Diego (5.0 points) sa top board at katapat naman ni Furtado ang kababayang si WFM J Saranya (4.5 points).

Show comments