Triple victory sa SBC Spikers

MANILA, Philippines - Sumandal ang San Sebastian kay Gretchel Soltones nang kanilang pasadsarin ang Letran, 25-18, 25-21, 25-10 kahapon para makisalo sa Arellano University sa pangunguna sa  women’s division sa 90th NCAA volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Nagpakawala si Soltones ng 16 hits, 13 nito sa attacks at ang tatlo ay sa aces para samahan ng Lady Stags ang Lady Chiefs sa liderato sa kanilang 5-0 record.

Nangailangan naman ang kanilang men’s team ng limang set para sa 19-25, 21-25, 25-18, 28-26, 15-13 panalo kontra sa Letran (2-4) para umangat sa 3-2 record.

Nakumpleto ng Baste ang sweep sa mga laro kahapon nang manalo rin ang kanilang  juniors team kontra sa Letran sa pamamagitan ng 25-16, 18-25, 21-25, 27-25, 20-18 panalo para sa 2-1 win-loss slate.

 

Show comments