MANILA, Philippines – Tangka ng La Salle ang kanilang ikatlong titulo habang nais namang matikmnan ng San Beda ang unang korona sa torneo sa kanilang sagupaan ngayon sa Game One ng best-of-three championships para sa titulo ng 2014 Philippine Collegiate Champions League (PCCL) sa Ynares Gym sa Pasig City.
Sa pangunguna ni Cameroonian rookie Ben Mbala, na-sweep ng Archers ang kanilang apat na laro sa eliminations patungo sa finals habang kinailangan ng Lions na talunin ang University of San Carlos mula sa Cebu sa pamamagitan ng tiebreaker para angkinin ang ikalawang finals slot.
Nakatakda ang laro sa alas-4:00 ng hapon.
Ang Game Two ay gagawin sa Lunes at kung kakailanganin ng deciding Game Three ay gagawin ito sa Martes.
Hangad ng La Salle, na-sweep ang Southwestern University sa dalawang laro noong nakaraang taon para sa titulo, na parisan ang kanilang karibal na Ateneo na maging tanging three-time winners ng taunang ligang ito na nagdedetermina kung sino ang pinakamahusay na college team sa bansa.
“We’ll just come out there and give it our best to win,” sabi ni La Salle coach Juno Sauler.
Nais naman ng San Beda na maging unang NCAA team na manalo sa liga.
“It’s all about pride,” sabi ni San Beda acting coach Adonis Tierra.
Ayon kay Tierra, magiging susi sa labanang ito kung sino kina Mbala at Nigerian behemoth Ola Adeogun ng San Beda ang maglalaro ng mas maganda.
“Ola himself admitted that he was outplayed by Mbala the last time we played,” sabi ni Tierra ukol sa kanilang pagkatalo sa Archers, 56-61 sa Elite Eight noong Biyernes. “But he (Adeogun) promised to make up for it by playing hard in the championship,.”
Samantala, ang all-Cebu battle for third place sa pagitan ng USC at University of Visayas ay kinansela ngayon at lalaruin na lamang sa Lunes.