Arcilla vs Tierro sa Finals

MANILA, Philippines - Paglalabanan nina defending champion Johnny Arcilla at No. 1 seed Patrick John Tierro ang korona ng men’s singles sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihahandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings sa PCA indoor courts sa Paco, Manila.

Dinomina  ng 34-an-yos na si Arcilla si fifth seed Rolando Ruel, 6-2, 6-0 at tinakasan ng 29-anyos na si Tierro si third seed at 2013 runner-up na si Marc Anthony Reyes, 5-7, 6-4, 6-4 sa semifinals para ayusin ang kanilang title showdown sa torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.

“Matagal na kaming magkakilala ni PJ, (Tierro) kaya unahan na lang kami,” sabi ni Arcilla, asam ang kanyang pang-siyam na PCA Open title.

Puntirya ni Tierro ang kanyang unang korona matapos ang apat na beses na pagiging runner-up.

Ang men’s singles finals ay itinakda bukas sa ganap na ala-una ng hapon.

Sisimulan naman nga-yon ang semifinals sa ladies’ singles sa torneong suportado rin ng United Auctioneers Inc. Foton, Philippine Sports Commission, TLH Sports & Wellness Center/Solinco, Avida Land Corporation, Stronghold Insurance, Ryobi MHI, GMA 7 at TV 5.

Haharapin ni three-time champion Marian Jade Capadocia si sixth seed Marinel Rudas sa alas-10 ng umaga, habang magtatapat sina fourth seed Maika Tanpoco at fifth pick Hannah Espinosa sa alas-9.

Kabuuang P600,000 papremyo sa torneo kung saan P100,000 ay para sa mananalo sa men’s singles at P50,000 sa ladies’ singles. (RCadayona)

Show comments