MANILA, Philippines – Sila ang nagpalasap sa kauna-unahang kabiguan ng Petron Blaze Spikers at ito ang kanilang gagami-ting motibasyon sa pagsagupa sa Lady Stallions.
Lalabanan ng RC Cola-Air Force ang bagitong Mane ‘N Tail ngayong alas-4 ng hapon matapos ang banggaan ng Cignal at Generika sa alas-2 sa women’s division ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics sa Cuneta Astrodome.
Sa likod nina reinforcements Emily Brown at Bonita Wise katuwang sina Joy Cases, Maika Ortiz at Rhea Dimaculangan, giniba ng Raiders ang Blaze Spikers sa four-sets, 25-20, 25-20, 16-25, 25-22 sa inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katulong ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Nagtala ang 6-foot-2 na si Brown ng 17 points kasunod ang 14 ni Cases, 13 ni Wise at 11 ni Ortiz.
“So far, so good. We’re hoping to sustain the momentum,” sabi ni RC Cola-Air Force coach Rhovyl Verayo.
Nakalasap naman ang Lady Stallions ng 25-22, 27-29, 25-18, 22-25, 15-12 kabiguan sa Life Savers sa kanilang huling laro.
Tinalo ng RC Cola ang Mane ‘N Tail, 25-22, 26-24, 22-25, 25-22 sa first round noong Nov. 7.
Sa unang laro, target ng Generika ang kanilang ikaapat na sunod na panalo sa tulong nina Russian import Natalia Kurobkova, Abby Maraño, Michelle Laborte, Cha Cruz at Stephanie Mercado.
Itatapat naman ng Cignal sina American reinforcements Sarah Ammerman at Lindsay Stalzer kasama sina Aby Praca at Honey Royse Tubino.
Sa men’s division, itataya ng reigning champion PLDT Telpad ang kanilang malinis na record kontra sa Bench-Systema sa alas-6 ng gabi.