MANILA, Philippines - Mahalaga ang ipakikita ng Pugad Lawin sa mga susunod na malalaking karerang sasalihan kung ang paghahangad na pangunahan ang kita ng mga pangarerang kabayo ang pag-uusapan.
Nagdomina sa PCSO Anniversary Race noong nakaraang Oktubre 12 para sa P800,000.00 gantimpala, ang Pugad Lawin ay kumabig na ng P4,048,634.74 kita matapos ang limang panalo, isang tersero at dalawang kuwarto puwestong pagtatapos sa buwan ng Oktubre.
Una pa rin sa talaan ang Triple Crown champion na Kid Molave sa P5,534,089.04 mula sa apat na panalo.
Pero may mga ulat na ipinahinga na ito sa taon kaya’t puwede pang abutan ito ng mga kalaban sa karera sa winningest horse ng 2014.
Tampok na malaking karera na paghahandaan ng mga premyadong kabayo ay ang PCSO Presidential Gold Cup na itatakbo sa Disyembre.
Apat na kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na Malaya, King Bull, Hagdang Bato at Kanlaon ang nasa unang walong puwesto sa talaan.
Nagdagdag ng P900,000.00 nang dominahin ang Philracom Sampaguita Stakes Race noong Oktubre 12, ang Malaya ay mayroong nang P3,831,154.56 premyo mula sa siyam na panalo at tig-isang segundo at tersero puwesto para sa ikatlong puwesto.
Nasa ikalima ang King Bull bitbit ang P2,555,197.77 sa anim na panalo, limang segundo at isang tersero bago sumunod ang premyadong Hagdang Bato na may P2,432,209.56 sa limang panalo at isang segundo puwesto.
Tiyak na hahataw ang Hagdang Bato sa mga susunod pang malalaking karera at siyang makakaribal ng Pugad Lawin sa pagremate ng dalawa sa mahahalagang panalo sa huling dalawang buwan ng taon.
Ang Kanlaon ang nasa ikawalong puwesto bitbit ang P1,992,570.44 sa limang panalo, limang segundo, dalawang tersero at isang kuwarto puwestong pagtatapos.
Nakasingit ang Low Profice sa ikaapat na puwesto sa P3,149,683.72 (6-2-1-0) habang ang Crusader’s Son ang nasa ikapitong puwesto sa P2.016,817.48 (11-7-5-0).
Ang Don Albertini na may P1,908,560.50 (9-8-0-1) at Louie Alexa na nanalo na ng P1,734,273.88 (7-8-9-8) ang nalagay sa ikasiyam at sampung puwesto. (AT)