Nakangiti si coach Edgar

MANILA, Philippines - May ngiti sa labi ni Café France Bakers coach Edgar Macaraya matapos makita ang kanyang bataan  na naigupo ang hamon ng beteranong koponang Jumbo Plastic Giants, 66-61 sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

“Masaya ako sa ipinakita ng mga players. Ang kanilang hard work ay nagbunga sa larong ito laban sa malakas na team tulad ng Jumbo Plastic,” wika ni Macaraya na tumabla sa pahingang Hapee Fresh Fighters sa liderato sa 3-0 baraha.

Ang sentrong si Rod-rique Ebondo ay mayroong 16 puntos at 13 rebounds ngunit naghatid pa siya ng apat na  triples at dalawa rito ay ginawa sa ikatlong yugto  kung saan nagtrabaho nang husto ang Bakers para iwanan ang Giants.

Sina Aaron Jeruta ay may dalawang tres din habang si Bong Gallanza ay mayroong isa para pangunahan ang 21-8 palitan na nagsantabi sa 32-36 iskor sa halftime.

Pinakamalaking kalamangan ng Café France ay nasa 12 puntos, 56-44 mula sa magkasunod na splits nina Joseph Sedurifa at Yutien Andrada.

Sina Sedurifa at Gallanza ay mayroong 12 at 11 puntos habang si Jeruta ay tumapos taglay ang walong puntos.

Si Jaymo Eguillos lamang ang manlalaro ng Giants na nasa doble-pigura sa kanyang 11 puntos para maputol ang kanilang dalawang sunod na panalo.

Nauna rito ay ang panggugulat ng Bread Story-Lyceum Pirates sa Tanduay Light Rhum Masters, 69-64 sa unang bakbakan para wakasan ang dalawang sunod na kabiguan.

May 15 puntos mula sa bench si Giovanni Jalalon habang gumana rin ang mga kamay nina Louie Vigil, Joseph Gabayni at Mike Gamboa sa second half para matabunan ang mahinang panimula na nakitaan ng paghahabol ng Pirates sa first half, 39-45.

Parehong masama ang shooting ng dalawang koponan at ang Pirates ay may 35 percent clip (26-of-74) laban sa 29 percent ng Tanduay (19-of-66).

Angat ang Rhum Masters na nakasama na si coach Lawrence Chongson matapos ang one-game suspension, sa rebounding 59-43 pero mayroon silang 25 errors at natalo sa inside points scoring, 20-36 upang lasapin ang ikalawang sunod na pagkatalo matapos manalo sa unang asignatura.

 

Show comments