MANILA, Philippines – Naniniwala ang mga horseowners, horse trainers at iba pang maliliit na tao na umaasa sa kaunting kikitain sa Metro Turf sa Malvar, Batangas na sinasadya ng mga hinete ang pagtanggi na lumahok sa mga karera sa nasabing race track para maparalisa ito.
Tulad ng pinangangambahan ng pamunuan ng ikatlong racing club sa bansa ay nagdesisyon uli ang may 80 hinete na hindi sasakay sa karera na dapat gawin sa Metro Turf (noong Martes) at (kahapon) dahilan upang kumilos ang Philippine Racing Commission (Philracom) na
ilipat ang karera sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Nagtataka ang mga apektado sa ikinilos ng mga hinete gayong may napagkasunduan na ang jockeys’ association, pamunuan ng racing club at trainers na sistema upang mabawasan ang insidente ng malaking disgrasya sa mga hinete matapos ang pagpupulong noong Biyernes sa harap ni Philracom chairman Angel Castano Jr.
Sa isa ring panayam kay New Philippine Jockeys’ Association of the Philippines (NPJAP) Gilbert Francisco ng Karera Pilipinas na nakaposte sa website ng samahan, mismong si Francisco ay kumbinsido na may magaganap na karera kahapon.
“Walang nakikitang problema (pagkakaroon ng karera sa Metro Turf). Hangga’t may pag-uusap, nagkikita sa gitna. Kapag may pag-uusap, may magandang pagtatapos,” wika ni Francisco sa panayam.
Kaya’t gulat ang ibang sektor sa biglang pagkansela sa dalawang araw na karera dahil sa pagtangging sumakay ng mga hinete.
“Dalawang beses lang ang karera dito tapos gaganyanin pa nila. Nagkaroon na ng kasunduan pero bigla muling kumilos ang mga hinete at hindi sasakay.
Scripted na ito at talagang nais yata nilang perwisyuhin ang Metro Turf,” wika ng isang horse owner.
Nangamba ang mga hinete matapos ang grabeng pinsala na inabot ni jockey Leonardo Cuadra Jr. na nahulog sa kabayo noong Nobyembre 2 matapos may nakabanggaan ang dalang kabayo.
Kinailangang operahin sa ulo si Cuadra at hanggang ngayon ay nasa ospital pa.
Naniniwala ang mga hinete na karapatan nila ang tumanggi sa pagsakay lalo na kung buhay na nila ang nakataya. (AT)