MANILA, Philippines – Gumawa ng aksiyon ang international wushu federation para hindi na maulit ang pagbabawas sa mga events na paglalaban sa mga kompetisyon tulad ng South East Asian Games.
Sa isinagawang pagpupulong ng Asian Wushu Federation kamakailan, nagdesisyon ang mga opisyales nito na lagyan ng bilang ng events ang taolo (form) at sanda (sparring) para hindi masayang ang paghahanda ng mga bansang kasali rito.
Kasama sa mga opisyales ng AWF ay si Julian Camacho, ang secretary-gene-ral ng Wushu Federation Philippines (WFP) at Chief of Mission para sa 2015 SEA Games sa Singapore.
Nabahala ang AWF dahil sa ginawang pagbabawas ng host Singapore sa sanda events na ngayon ay magkakaroon na lamang ng dalawang events sa kababaihan.
“Hindi nagustuhan ng international federation na ang isang host ay nagbabawas ng events para makalamang sa kalaban. Ang napag-usapan, maglalagay na ng bilang ng events na dapat ginagawa sa SEAG.
Halimbawa ay 60 percent taolo at 40 percent sanda para hindi masayang ang paghahanda ng mga atleta,” wika ni Camacho.
Ang pagkilos ng AWF ay isang magandang senyales at inudyukan din ang ibang sports na dumulog sa kanilang mga international bodies para makagawa ang mga ito ng aksyon.
Bukod sa wushu ay labis ding naapektuhan ang taekwondo na magkakaroon na lamang ng tig-tatlong events sa kalalakihan at kababaihan mula sa dating nakasanayang tig-anim sa magkabilang dibisyon. (AT)