Cagayan, Cafe France 2-0 na

MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang pagsisikap ng Cagayan Valley Rising Suns sa kaagahan ng laro nang kunin ang 97-94 panalo sa Bread Story-Lyceum sa PBA D-League Aspirants’  Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Iniwan ng Rising Suns ang Bread Story ng hanggang 18 puntos pero nanlamig sa huling yugto para mabuhayan ang katunggali na maagaw pa ang panalo.

Ngunit ang suwerte ay napunta pa rin sa Cagayan dahil sablay ang sana’y panablang tres ni Louie Vigil para umangat ang koponan sa 2-0 at nakasalo sa unang puwesto ang pahingang Jumbo Plastic Giants.

May 24 puntos at siyam na rebounds si Michael Mabulac para sa  ikalawang impresibong laro habang si Alex Austria ay naghatid ng 13 puntos at 10 assists.

Tatlong sunod na free throws ang ibinigay ni Austria para ilayo ang Rising Suns sa 97-91 na nakatulong para mapahirapan sa paghahabol ang Bread Story na bumaba sa 0-2 marka.

“Sobrang ganda ang depensa namin sa first half. Pero sa fourth quarter nagkanya-kanya kami,” wika ni Mabulac sa nangyari sa koponan na hindi pa rin nagagamit ang serbisyo ng top rookie pick na si Moala Tautuaa dahil nag-lalaro pa ito sa ASEAN Basketball League finals.

Nagkaroon ng tatlong koponan na magkakasama sa tuktok ng team standings sa 12 koponang liga nang manalo rin ang Café France sa Racal Motors, 67-56.

Hindi na pinaiskor ng depensa ng Bakers ang katunggali sa huling 4:32 ng labanan para maisantabi ang pagkawala ng 30-10 kalamangan sa second quarter.

Sina Alvin Abundo at Jonar Huertas ay naghatid ng tig-12 puntos habang 10 puntos at siyam na rebounds ang ibinigay ni Fil-Am Maverick Ahanmisi para sa ikalawang dikit na panalo ng Café France.

Ang tres ni Abundo ang tumapos sa 9-0 bomba ng Bakers para hawakan ang 11 puntos na kalamangan sa huling isa’t kalahating minuto  ng labanan .

 

Show comments