Nakuha sa sigaw 2-wins na sa Batang Pier

MANILA, Philippines – Dahil baon ng 11-puntos ang Globalport sa pagtatapos ng first half, pinagsisigawan ni coach Pido Jarencio ang kanyang mga bata.

Naging epektibo naman ito dahil tumugon ang mga players para kunin ang 84-79 panalo kontra sa Kia Sorento sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Matapos ang paninigaw ni Jarencio sa kanyang mga players sa dugout ay naghulog ang Globalport ng 13-4 atake para makadikit sa 49-51 agwat bago tuluyang inagaw ang kalamangan sa 62-57 sa huling 57.8 segundo sa third quarter.

Kumayod si Anthony Semerad ng anim sa kanyang 12 points sa fourt quarter tungo sa tagumpay ng Batang Pier para makabawi sa  naunang kabiguan laban sa nagdedepensang Purefoods Hotshots.

“Iyong dalawang talo namin tingin ko breaks of the game lang ‘yun at hindi sa character ng team,” sabi ni coach Pido Jarencio, nakahugot ng 19 points kay Ronjay Buenafe.

Nagawang makalapit ng Sorento sa 76-80 buhat sa basket ni Hans Thiele sa huling 1:17 minuto sa final canto ngunit nagpasok ng apat na free throws si No. 1 overall pick Stanley Pringle na naglayong muli sa Batang Pier sa 84-76 sa nalalabing 15 segundo.

Nalasap ng Sorento ang kanilang pangatlong dikit na talo matapos manalo sa Blackwater Elite.

Samantala, paglalabanan ng Alaska at San Miguel ang solong liderato sa kanilang banggaan ngayong alas-7 ng gabi matapos ang laro ng Meralco at NLEX sa alas-4:15 ng hapon sa Big Dome. (RC)

Show comments