MANILA, Philippines – Tinatayaang nasa 15 ginto ang nawala agad sa Pilipinas matapos magbawas ang Singapore ng mga events sa contact sports sa gaganaping 2015 SEA Games.
Lumabas ang nasabing problema sa POC General Assembly sa Wack Wack Golf and Country Club kahapon nang isiwalat ni Philippine Taekwondo Association (PTA) secretary general Monsour Del Rosario na tigatlo (men at women) na lamang ang weight divisions na pag-lalabanan sa Singapore SEA Games mula sa da-ting tig-anim.
Nabatid din na kahit sa judo at wushu ay nabawasan din ng events at ang masakit ay ang host country pa ang namili ng mga dibisyong ipinasok.
“More than 15 gold medals ang nawala,” pahayag ni POC treasurer at Chief of Mission Julian Camacho.
Ang iba pang ginto na naglaho agad ay sa larangan ng karate, muay at BMX cycling na hindi kasama sa larong gagawin sa kompetisyon.
Dadalo si Camacho sa CDM meeting sa Singapore sa Nobyembre 24 at sisikapin niyang iapela na ibalik ang mga tinanggal na events ngunit siya mismo ay kumbinsido na malabong katigan ito ng Singapore.
“Singapore has already approved 36 sports and 402 events. But I will try,” sabi pa ni Camacho.
Hanap ng Pilipinas na bumangon mula sa ikapitong puwesto sa Myanmar SEA Games noong 2013 bitbit ang 29 ginto, 34 pilak at 38 bronze medals.
May liwanag namang natatanaw si Camacho pero mangyayari ito kung magtutulung-tulong ang lahat.
Sa nakuhang entry by number ng POC, lalabas na nasa 640 ang bilang ng atletang puwedeng ipadala ng Pilipinas pero sasalain pa ito hanggang sa entry by name deadline sa Abril. (AT)