STO. DOMINGO, Ilocos Sur, Philippines – Naghigpit ng depensa ang RC Cola-Air Force sa fourth set para iposte ang 25-20, 25-23, 18-25, 27-25 panalo laban sa Generika sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix women’s na inihahandog ng Asics sa Sto. Domingo Coliseum dito.
Sina American import Emily Brown at Joy Cases ang nanguna sa depensa ng Raiders para sa kanilang ikalawang panalo sa women’s division ng inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Humataw si Brown ng 19 kills at 2 blocks para tumapos na may 22 points, habang nag-ambag si Cases ng 17 kills, 2 aces at 2 blocks sa kanyang 21 points para sa Raiders.
Bago harapin ang Generika ay nakatikim muna ng kabiguan ang RC Cola-Air Force kontra sa Cignal.
Matapos kunin ang u-nang dalawang sets, inasahan ng RC Cola-Air Force na madaling maitatala ang una nilang panalo.
Sumandal ang Life Savers kay Russian import Natalia Korobkova para makamit ang third set at nagbantang paabutin ang laro sa deciding fifth set.
Ngunit naghigpit ng depensa sina Brown at Cases para pigilin si Korobkova.
Tumapos ang Russian import na may 31 points para sa Generika, nahulog sa 0-2 baraha.