MANILA, Philippines – Ang inaasahang magiging mahigpit na labanan ay naging parang practice lamang sa Cagayan Valley nang kanilang itala ang 25-15, 25-20, 25-16 panalo laban sa PLDT Home Telpad upang mamuro sa muling pakikipagharap sa Army para sa women’s title sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference sa The Arena sa San Juan kahapon.
Tulad ng kanilang panalo sa Turbo Boosters noong Oct. 12, inatake ng Rising Suns sa net at floor defense ang kalaban upang tapusin ang laro sa loob ng 72 minuto tungo sa kanilang ikatlong panalo sa 5-games.
Ang panalong ito ang naglapit sa Cagayan sa ikalawang finals berth sa season-ending confe-rence ng ligang suportado ng Shakey’s.
Ang huling asignatura ng Rising Suns sa eliminations ay kontra sa wala pang panalong Meralco sa Huwebes.
Nalaglag naman ang PLDT Home Telpad sa 2-3 kartada at kailangang manalo sa finalist nang Army (5-0) bukas at umasang manalo ang Meralco upang makapuwersa ng playoff para sa huling finals berth.
Nauna rito, nakarekober ang Far Eastern University sa fifth set upang tuluyang patalsikin sa kontensiyon ang Rizal Technological U sa pamamagitan ng 25-18, 25-15, 23-25, 20-25, 15-9 panalo para sa 2-4 karta sa men’s division.
Maaga sanang natapos ng FEU Tams ang laban ngunit nakahirit pa ang RTU gayunpaman ay kumulapso rin sila dakong huli sanhi ng kanilang 1-4 record na tuluyang bumura ng kanilang pag-asang lumaban sa finals.