6 malaking karera ilalarga sa MARHO Breeder’s cup

MANILA, Philippines - Tulad sa mga nakaraang edisyon, anim na malalaking karera ang magpapakinang sa pagtakbo ng 2014 MARHO Breeders’ Cup Racing Championship sa San Lazaro Leisuire Park sa Carmona, Cavite sa Nobyembre 30.

Tig-isang milyon piso ang kabuuang premyo na paglalabanan sa  mga stakes races na ito na katatampukan ng mga premyadong kabayo sa iba’t ibang kategorya at distansya.

Ang tampok na karera ay ang MARHO Cup Classic na inilagay sa 2,000-metro distansya.

Para maging patas, mga colts ay bibigyan ng 57 kilos handicap weight habang nasa 55 kilos ang timbang ng mga fillies.

Magkakaroon din ng tagisan sa hanay ng mga 3YO Colts at Fillies na paglalabanan sa 1,600-metro distansya  habang may 2YO Juvenile Colts at Fillies na inilagay sa 1,500-metro distansya.

Ang mga matutuling kabayo ay magsusukatan sa MARHO Cup Sprint sa 1,000-metro distansya.

Ang deklarasyon ng mga tatakbo ay isasagawa sa Oktubre 28 sa handicapping office ng Manila Jockey Club.

Mga locally bred horses lamang ang puwedeng sumali at dapat ay anim na kabayo ang magpatala para itakbo ang karera.

Nasa P600,000.00 ang gantimpala ng magkakampeon sa lahat ng stakes races na ito habang ang papangalawa ay mag-uuwi ng P225,000.00 at P125,000.00 at P50,000.00 ang bibitbitin ng papangatlo at papang-apat sa datingan.

Ang karerang ito ay isa sa limang malala­king races na gagawin sa papasok na buwan.

Ang ibang mga major stakes races na itatagu­yod ng Philippine Racing Commission (Philracom) ay ang 4th leg Juvenile Fillies at Colts, Grand Sprint Championship at Ambassador Cojuangco Jr. Cup.

Ang Juvenile races ay sa Nobyembfrde 15 at 16 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite at paglalabanan sa 1,600-metro distansya.

Sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas pag­lalabanan ang Grand Sprint Championship sa 1,200-meters habang ang Cojuangco Cup ay sa mahabang 2000-metro distansya sa Nobyembre 30 sa San Lazaro. (AT)

 

Show comments