Miles humataw sa panalo ng Pacers vs Hornets

CHARLOTTE, N.C. -- Hindi masaya si C.J. Miles sa kanyang inilaro sa preseason at naghahangad na magkaroon ng positive momentum bago ang regular season.

At nagawa niya ito.

Tumikada si Miles ng 23 points para tulungan ang Indiana Pacers sa 88-79 panalo laban sa Charlotte Hornets sa kanilang preseason finale.

Nagsalpak si Miles ng anim sa una niyang pitong tirada, habang humakot si Luis Scola ng 15 points at 12 rebounds at nagdagdag si David Sloan ng 11 points at 8-assists.

Sa Auburn Hills, Michigan, nagsalansan si Kyle Singler ng 19 points at nag-ambag si Josh Smith ng 17 points at 10 rebounds para ihatid ang Detroit Pistons sa 109-103 pananaig sa Philadelphia 76ers.

Sa Bossier City, gagawin lahat ni undrafted rookie Patric Young para makapaglaro sa NBA at nabiyayaan ang New Orleans Pelicans sa tiyaga ng produkto ng University of Florida sa kanilang preseason finale.

Matapos mawala ang itinayong 10 point lead ng Pelicans sa fourth quarter, ang follow up dunk ni Young sa huling 2.1 segundo ang nagbigay sa koponan ng 88-85 panalo kontra sa Dallas Mavericks.

Sa New York, pinapirma ng Knicks si center Jordan Vandenberg.

Show comments