CEU, Miriam may tig-2 titles sa WNCAA

MANILA, Philippines - Umangkin ang Centro Escolar University at ang Miriam College ng tig-dalawang titulo para hirangin bilang ‘winningest squads’ sa pagtatapos ng 45th WNCAA first semester.

Sinikwat ng CEU ang kanilang ikaapat na sunod na senior basketball title at inagawan ng korona ang four-time winner Rizal Technological University sa senior futsal.

Nagkampeon naman ang Miriam sa junior volleyball at futsal events.

Ibinulsa ng host La Salle College Antipolo ang junior cage championship laban sa dating haring Chiang Kai Shek College, habang itinakbo ng De La Salle Zobel ang kanilang pang-apat na dikit na midgets basketball title.

Inalisan ng titulo ng RTU, runner-up sa senior basketball, ang San Beda College Alabang sa senior volleyball at nanguna ang St. Paul College Pasig sa midgets division.

Ang mga hinirang na basketball Most Valuable Players ay sina Janine Pontejos ng CEU (senior), JC Mae Riel ng LSCA (junior) at Akemi Marteja ng DLSZ (midgets). Ang mga MVP sa volleyball ay sina Shana Marie Costillas ng RTU (senior), Ennah Elaine Ebreo ng Miriam (junior) at Elizabeth Marianne Delgado ng St. Paul (midgets).

Show comments